Sunday, January 30, 2011

MY EX-BEST FRIEND(Chapter 3)

Chapter Three

NAPATINGIN siya, ang mga mga lalaking kausap niya sa dumating.
"Angela?" pagkilala sa kaniya ng babaeng kasama ni Carla.
"Mimi!" Pagkilala naman niya sa kasama ni Carla. Ambabangu ng mga ito, iyon ang una niyang napuna.
Mimi was her friend in school. Kahit pa pareho sila nito ng batch ay hindi sila nito magka-eskuwela. Naging kaibigan niya ito nang ipagtanggol niya ito sa isang nambabastos dito. Dahil sanay sa hirap ang katawan niya, akala ng nambabastos ditong mahina siya. Patpatin man ang paa niya ay mainam naman iyong
ipangsipa sa betlog. Sa pagkakaalam niya, magkaibigan nga pala si Mimi at si Carla. Madalas niya rin nakikitang kasama ng dalawang ito ang grupo nina Michael.
"You know her?" tanong ni Michael.
"Yes! Kaibigan ko siya! Ano ba'ng sadya?" ani Mimi.
"Inilalako ko 'tong paninda namin. At the same time, inaalok ko sila kung gusto nilang sumali sa basketball league diyan sa 'Looban'."
"Ah... Oo, sasama 'yang mga 'yan. Basta ba sasama ka din sa 'min sa swimming namin mamayang gabi. Don't worry friend. Sagot ko lahat. Birthday ko. Sumama ka. Huwag kang tatanggi."
"Ahm..." Kapalaran, oportunidad, suwerte na ang lumapit sa kaniya nang mga sandlaing iyon kaya hindi na dapat siya magdalawang-isip pa.
"Sige. Kailan nga?"
"Mamayang gabi."
Hindi na siya nagtanong pa nang maraming tanong. Baka may masabi pa siyang maging dahilan para hindi siya makasama.
Para siyang nasa heaven. Para siyang hindi makapaniwalang parang lahat ay umayon sa iniisip niya.Siguro, dahil mabait din naman siyang bata kaya nang manalangin siya ay hindi na nagdalawang-isip ang Nasa Itaas na ipagkaloob ang hiling niya.
Naging mabilis ang lahat. Hindi na nga niya namalayang nakauwi na siya. Pagdating ay agad siyang namlantsa ng mga damit na dadalhin niya sa swimming. Gusto niyang magmukhang maganda ang mga damit niya.
"Saan punta n'yo ni Jhe...?"
"'Nay may swimming po ako. Magpapaalam nga pala ako."
"Ano'ng ako? Sino'ng kasama mo?"
"Ahm... 'Nay... Payagan n'yo na po 'ko. May mga bago po akong nakaibigan. 'Yung grupo ng anak ni Kapitan. Birthday po kasi ni Mimi. Kung natatandaan n'yo po siya? 'Yung isinama ko dito n'ung isang araw.Payat na maganda. Eh, kaibigan din pala siya nina Carla-- 'yun nga pong anak ni Kapitan. Ngayon po 'yung celebration."
"Ahm... Gabing-gabi na. Kung kasama si Jhe, papayagan kita. Pero kung hindi, huwag na lang."
"Eh 'Nay, nakakahiya naman po sa kanila. Um-oo na ako sa kanila."
"Hindi. Huwag na lang. Delikado na sa panahon ngayon."
"'Nay, sige na po..."
"Hindi. Itigil mo na 'yang pamamalantsa. Tumaas ka na. Hindi kita papayagan."
Agad na muling gumana ang utak niya. Knowing her mom, kung ipipilit pa niya iyon, lalo siya nitong hindi papayagan. Tatakas na lang siya.
Kapag galit siya ay hindi siya nakakusap ng Nanay niya. Kaya nagkunwari siyang nagalit sa desisyon nitong huwag siyang sumama. Itiniklop niya ang kabayo ng plantsa. Inilagay niya sa likod ng pintuan ang kabayo. Binitbit niya ang mga damit paitaas sa kuwarto. Ini-lock niya ang pinto ng kaniyang kuwarto.
Gabi na noon. Maagang matulog ang nanay niya dahil magluluto pa ito ng candy kinabukasan. Makalipas ang isang oras, sa palagay niya ay tulog na ang nanay niya. Dahan-dahan niyang binuksan ang bintana. Kung sa main door kasi siya dadaan ay magigising ang Nanay niya. Lumalangitngit kasi iyon. Nagkataong nakasandal sa tabi ng bintana ang hagdang ginagamit nila ni Jeric kapag nangunguha sila ng kaymito. Doon siya bumaba. Paalis na ang jeep nang dumating siya sa tagpuang sinabi ni Michael sa kaniya.

NAA-OUT of place si Angela sa birthday party na iyon. Maingay, sayawan at inuman. May naghahalikan pa sa swimming pool.
Nakita niya si Michael na mag-isa sa isang cottage. Naalala niya ang plano niyang papagselosin si Jeric. Naiinis kasi siya dito.Para bang hindi siya nito napapansin.So, magpapapansin siya dito. Kapag naka-close na niya itong si Michael, maisasakatuparan na niya ang plano niya.
"Hi," aniya rito. Matamis na ngiti ang ipinagkaloob niya rito. "Malungkot ka yata?"
"Wala. Kabe-break lang kasi namin ng girlfriend ko. Ewan ko. Hindi ko siya maintindihan. Bakit, masama ba ang ugali ko?"
Ano ba ang panahon ngayon? Paagahan yatang magka-boyfriend!
"Alam mo, may mga babae talagang hindi makaintindi. Kasi, guwapo ka. Siguro, hindi niya maintindihan na marami sa 'yong nagkaka-crush."
Bahagya itong napangiti, indikasyong nagustuhan nito ang sinabi niya.Gan'on ata ang mga lalaki. Napapangiti ang tumbong kapag nasasabihang guwapo at maraming nagkaka-crush.
"Kung ako ang magkaka-boyfriend ng guwapo, naku, masaya ana ako'ng gan'on. Kasi, mahirap magka-boyfriend ng guwapo."
"Talaga?"
"Oo naman."
Kumuha ito ng bote ng four seasons na lambanog. Gum flavor iyon.
"Inom tayo."
"Ayoko. Hindi ako umiinom."
"Ikaw naman. Hindi ka naman malalasing dito."
"Pero hindi talaga ako sanay."
"I-try mo lang." Nagsalin ito sa pantagay.
Habang umiinom ay nginitian niya ito. Binigyan niya ito ng ideya na crush niya ito. Sabihin nang flirt siya nang gabing iyon. Pero kailangan niya itong makuha nang mabilisan. Kailangan mapalapit ang loob niya dito nang mabilisan.
"Ahm, come closer," anito. Medyo lasing na ito. Pero kung gusto nito ay pre-marital sex, hindi siya papayag. Malakas ang sigaw ng values na nasa ugat niya kaya hindi siya agad-agad bibigay dito."Gusto mo bang maging girlfriend ko?"
Kinabahan siya. Hindi niya inaasahang magiging gan'ong kabilis ang lahat. well, lasing ito. So, baka kinabukasan ay limot na nito iyon.
"Yes," aniya.
"Are you sure? Tayo na?"
"Yes."
"O sige. Kung talagang tayo na... Isang tagay diyan!" Ibinigay nito sa kaniya ang pantagay.
Pisa ang ilong, ininom niya iyon.

"S'AN ka galing?"
"Ha?" Nagulat talaga siya nang papasok na siya sa bakuran nila ay dumating si Jeric.
Tumingin ito sa relong pambisig nito. "Alas kuwatro ng umaga, naggagala ka?"
"Huh? Ano'ng problema?"
Bahagya itong lumapit sa kaniya. Parang naamoy siya nito dahil gamit ang hintuturo ay pinunasan nito ang ilong. "Ano 'yan? Nag-inom ka?"
"No. This is alcohol. Rubbing alcohol."
"Don't fool me. Iba ang amoy ng rubbing alcohol sa ininom. And look! Namumula pisngi mo, namumungay mata mo. Ano ba 'yan?"
"Okay. I was invited sa isang birthday party. Nag-iinuman sila. So, nakiinom din ako."
"Layuan mo na sila," anito.
"Huh? Layuan?"
"Sino sila? Mga new classmates mo?"
"A-Ahm..." Nag-isip siya. Kung sasabihin niyang sina Michael ang mga kasama niya, baka sabihin pa nitong layuan na niya ang mga iyon. Paano naman kung ito ang maging kaibigan ng mga iyon? Tiyak na darating ang panahon na makakalimutan
na siya nito. Siya, isa lang ang gusto niya. Mapagselos ito and at the same time, masigurong hindi nito magiging kabarkada sina Michael."Oo. New classmates ko."
Pumalatak ito. "Next time, magpapaalam ka sa 'kin."
"Best friend, sige na. Matulog ka na. Hayaan mo. Kahit pa sanlibo ang maging kaibigan ko, ikaw pa rin ang best friend ko," aniya.
"Matulog ka na. Huwag mo na 'tong uulitin kundi, isusumbong kita sa nanay mo?"
"Paano mo nalamang umalis ako?"
"Nakita kitang bumaba sa hagdanan. Sinundan kita. nakita kitang sumakay sa isang jeep."
Parang may naramdaman siyang concern dito. Ano ba? Sinusundan nito ang kilos niya o ginagabayan siya nito? Bakit nito tinitingnan ang kaniyang kuwarto dahilan para makita nito ang pagbaba niya ng hagdanan?

SA LOOB ng isang buwan ay nakuha niya ang kiliti ni Michael. Ewan niya. Napalapit ito sa kaniya dahil madalas niya itong bigyan ng mga paninda nila, libre. Isa pa, madalas niya itong padalhan ng mga sulat. Para maging patas kay Jeric, kinondisyon niya ang isip na best friend niya lang
talaga si Jeric. At ang boyfriend na niya ay si Michael.Isa pang matinding bagay na dahilan kaya niya nakuha ang kiliti dito ay palagi niyang ipinaparamdam at sinasabing mahal niya ito. Bagay na nagpakilig ata sa tumbong nito.
Gustung-gusto nito ang mga sulat, mga tula at ang presensiya niya.
May tampuhan sila ni Jeric. Minsan kasi ay nagkaroon sila ng komprontasyon. Marami itong tanong na daig pa imbestigador. Kesyo ano daw si Michael sa buhay niya? Bla, bla, bla. Nasabi niyang wala itong usisain siya. Wala itong karapatang sigawan at
tanungin siyang animo imbestogador. Kaya mag-i-isang buwan na sila nitong hindi nagpapansinan
Nang magsimula ang liga, saktong magkalaban ang team nina Michael at team nina Jeric. Ka-team ni Jeric ang mga ka-barangay nila. Dahil may tampuhan sila nito ay kay Michael siya nagchi-cheer.
Nakita niyang napakamot si Jeric sa ulo nang makita siyang pinupunasan ng pawis si Michael. Dahil malaki na ang naiambag ni Michael na puntos sa team ng mga ito ay nagpahinga muna ito. Tutal, malaki ang lamang n mga ito. Naupo ito sa tabi niya. Malaki ang nailamang ng mga ito dahil lamang injured
si Jeric. Sa iba siya nakatingin pero ang gilid ng mga mata niya ay nakatingin kay Jeric.
Mukhang selos na ang nakikita niya sa mukha nito.
Nakatingin ito sa kanila! At parang hindi nito gusto ang nakikita.
Inihilig pa niya ang ulo sa balikat ni Michael.

"BOYFRIEND mo na ba 'yung lokong 'yon?"
"Best friend! Hinay-hinay lang! Huwag kang galit. Sino ba ang kaaway mo?"
Huminga nang malalim si Jeric. "Okay, aaminin ko sa 'yo. Adik 'yung Michael na 'yon! Kaya layuan mo na siya!"
"Huh? Layuan? Sabi mo dati, gusto mong maka-barkada 'yung mga 'yon. Tapos, gusto mong layuan ko. 'Di naman kaya may crush ka rin sa kaniya?" HIndi ito bakla. Sinabi niya lang iyon para inisin ito. Baka sakaling may maibulalas itong siyang gusto niyang marinig. Gusto niyang marinig na
sabihin nitong gusto siya nitong ligawan. Na ito lang ang lalaking nararapat para sa kaniya.
"So, nakilala mo lang 'yang Michael na 'yan, 'yan na ang iniisip mo sa 'kin?"
Natauhan lang siya nang makitang iba na ang mukha nito. Parang gustong sabihin ng mukha nito na gusto na nitong pormalna wakasan sa araw na iyon ang kanilang pagkakaibigan.
"Jeric-- no!"
Tinalikuran na siya nito. Nagmamadali itong naglakad. Siya naman ay tila nabatu-balani. Biglang nag-flash sa utak niya ang lahat ng pinagsamahan nila. Doon na lang ba iyon matatapos?
Nagtatakbo siya para habulin ito pero mabilis na nitong naisara ang gate ng bahay ng mga ito.
Naiwan siya sa labas ng gate na umiiyak. Hanggang sa makauwi a iyak pa rin siya nang iyak.
Nahiga siya sa kama. Nagsisisi siya sa planong naisip niya. Baka dahil sa katangahan niya ay masira nang tuluyan ang pagkakaibigan nila. Pinilit niyang makatulog dahil bukas na bukas din ay magso-sorry siya sa best friend niya. Natapakan niya yata ang pride nito.
Unang-una, sa halip na ang best friend ang suportahan niya, ibang tao pa na kakikilala niya lang ang sinusuportahan niya. Pangalawa, lumabas na ayaw niyang pakialaman nito ang buhay niya bagay na hindi naman totoo. Para sa kaniya ay ito ang buhay niya. Dahil ito lang ang kaibigan niya. Nagkataon lang na ayaw niya itong mawala sa buhay niya. Iyon lang ang naisip niyang paraan para hindi ito mawala. Pangatlo, siguro ay naramdaman nitong gusto lang niya itong magselos. At masaktan.
Hindi na niya nakitang naglaro si Jeric sa naturang liga. Balita niya ay nagbakasyon ang mga ito sa Palawan.
Kahit wala si Jeric ay ang team nina Michael at barangay nila ang magkalaban. Nanood siya ng labang iyon sa pag-asa na baka bumalik na si Jeric. Salamat at may bago nang teknolohiya. Texting daw ang tawag d'on. Nai-text si Jeric at nagsabi iyong uuwi para sa championship. Pero hindi pa rin ito
dumarating.
"Babes," ani Michael nang makita siyang nakatayo sa isang sulok. Balak na sana niyang umuwi noong sandaling iyon. "Sa'n ka nagpunta't nawala ka?" Ilang araw na kasi siyang hindi nagpapakita dito.
HIndi ito nakakapunta sa kanila. Binalaan niyang man-hater ang nanay niya. Ayaw ng nanay niyang makipagrelasyon siya. Malaking tao ang nanay niya kaya siguro ay naduwag din si Michael na bumisita man lang sa kanila.
"Probinsiya," aniya.
"Halika! Kulang ang cheering squad namin." Hinila siya nito. Sa lakas niyang sumigaw ay malaki ang maiaambag niya sa cheering squad ng mga ito.
Pinalis niya ang kamay nito. "Ah, Michael, masama kasi pakiramdam ko. Actually, pauwi na ako. Nasakit kasi ang ulo ko."
"Gan'on ba? Sige. See you tomorrow. Paano tayo magkikita?"
"Ahm... Kapag okay na ang pakiramdam ko, pupunta ako sa n'yo." Iyon na lang ang sinabi niya. Pero kung kayang magtago ay magtatago siya rito. Feeling niya ay dapat na talaga siyang lumayo dito. Dahil parang iba lang naman ang habol nito sa kaniya. Cheerer at pre-marital sex.
Nang minsang sumama siya sa mga ito isinama siya nito sa kuwarto nito. Manonood lang daw sila ng VCD. Nanlaki ang mga mata niya nang makita XXX ang isasalin nito dahil sa nakabukakang babae na naka-design sa CD. He's pervert! Buti na lang at dumating si Carla noong oras na isasalang na nito ang naturang VCD.
Basta. Gagawa siya ng paraan para makalayo kay Michael at maibalik ang pagkakaibigan nila ni Jeric. Iyon ang relasyong pinakamahalaga sa kaniya.
Nang papasok na siya sa bakuran nila ay nakita niya si Jeric. Nagtatakbo ito papunta sa basketbulan. Naka-jersey ito, tanda na lalaro ito.
Tinawag niya ang binata pero parang hindi siya nito narinig. Siguro ay napahinang masyado ang boses niya dahil nahihiya siyang tawagin, o harapin ito.
Hindi siya makakapanood dahil makikita lang siya ni Michael doon. Pumasok na lang siya at nagpunta sa kuwarto niya. Nahiga.
Habang nakahiga ay dinig niya ang hiyawan ng mga manonood ng liga. Exciting siguro ang naging laban ng magkabilang team.
In-imagine na lang niya ang naririnig mula sa announcer. Kapag naririnig niya ang pangalang Jeric ay ini-imagine niya ang description ng announcer. Nai-imagine niya ang bawat description, somehow. Madalas kasi sila nitong maglaro ng basketball kapag may oras sila. Meaning, saulado niya ang mga moves nito. Medyo magaling na nga siyang mag-
basketball. Minsan, mas magaling pa siya sa ibang lalaki. Kaya ang ilan ay tomboy ang tingin sa kaniya.
Ayon sa narinig niya ay panalo ang team na taga-labasan. Nina Michael. Ayon kasi sa narinig niya, tila wala sa mood si Jeric maglaro kaya puros sablay ang tira nito.
Bumaba siya. Aabangan niya si Jeric pagpasok nito sa gate ng mga ito. Gusto niya itong makausap.
Mga thirty minutes siguro ang hinintay niya nang makita si Jeric na papasok sa gate. Kinabahan siya nang matindi dahil hindi niya alam kung paano ito ia-approach. Nagamadali siyang tumakbo palait dito.
"Jeric..."
Pinigilan nito ang gagawing pagsara sa gate. Hindi ito nakapagsalita pero nanatili itong nakatingin sa kaniya, tanda na willing itong makinig sa kaniya. So, hindi naman pala ito totally galit sa kaniya...?
"P-Puwede ba kitang makausap...?" Actually, gusto niyang mapaiyak. Pinipigilan niya lang. Saglit lang itong nawala sa buhay niya pero na-miss niya talaga ito nang husto. Paano pa kaya kung mawala ito nang matagal?
"Bakit hindi mo kasama si Michael...?" tanong nito.
"Ahm... Jeric, puwede bang huwag na muna nating isama siya sa usapan. Gusto kitang makausap na tayo lang."
Magsasalita na sana ito pero bumukas ang pinto ng mga ito. Iniluwa niyon ang Mommy nito. "Jeric, pasok na..." Napatingin sa kaniya ang Mommy nito. Naalala niya na minsan, habang naglalaro si Jeric ay kitang-kita nitong nagchi-cheer siya kina Michael. Napahiya siya n'on sa sarili dahil naalala
niya kung gaano kabait ang babaeng ito sa kaniya. Tapos, makikita lang siya nitong sinusuportahan ang isang team na kakikila-kilala pa lang niya? sakto pa namang "Wala! Wala!" ang hiyaw niya habang nagpi-freethrow si Jeric.
"Pumasok ka na rito."
Nanliit siya sa sarili dahil sa tingin nito sa kaniya. Na parang bang gusto nitong sabihing wala siyang kuwentang best friend.
Tumalikod siya. Feeling niya nang mga sandaling iyon ay pulubi siya. Pulubing kaawa-awa. Na namamalimos ng kaibigan.
Naawa siya sa sarili dahil hindi naman niya ginustong makipagkaibigan sa mga nakaibigan niya. Ginusto niya iyon para linawin pa kung ano ba siya sa buhay ni Jeric. HIndi niya inakalang hahantong sa gan'on. Na tila matutuldukan na ang kanilang pagkakaibigan.

"LILIPAT na tayo bukas! Nabili na 'tong lote natin," anang Nanay niya. Ngayon niya lang nakita ang Nanay niyang gan'ong kasaya.
"Sino po'ng nakabili?"
Ibinaba nito ang isang paper bag sa mesa. "Huwag mo nang itanong. Isang kumpaniya, malaking kumpaniya."
Inilabas nito ang nasa paper bag. Patung-patong iyong lilibuhin.
"Ipagtimpla mo muna ako ng kape," anito. "Lilipat na tayo sa Quezon. Sabi ng Tito mo, may kaibigan daw siyang taga-doon. Mura daw ang mga lupa doon."
Maraming sinabi ang nanay niyang plano sa buhay nila. Malaki daw ang napera nito. Ang iba daw ay hindi na nito kayang iuwi kaya ibinangko na lang nito. Well, hindi siya interesado. Mas interesado pa siya kung paano makakausap si Jeric. Paano naman niya ipapaliwanag dito ang kabaliwan niya?
Na kaya lang niya kinaibigan sina Michael ay para papagselosin ito?
May mga bagay talaga sa pag-ibig na mahirap ipaliwanag.
Ang tanong, paano niya ito kakausapin? At ano ang ipapaliwanag niya rito? Iyon ang nasa isip niya hanggang sa isang beses ay magkasabay sila nito sa loob ng tricycle. Wala siya ritong nasabi dahil feeling niya ay wala naman siyang sasabihin kahit alam niyang marami siyang gustong ipaliwanag dito.
It's either wrong timing o pareho silang inuunahan ng pride. On her part, bukod sa pride ay nakikialam din ang kahihiyan. Kaya ang ten minutes na pagkakataong ibinigay sa kaniya ay hindi niya nagamit. God must really be that good. Pero wrong timing para sa kaniyang kausapin si Jeric.
Nang palipat na sila sa Quezon ay saka siya nagkaroon ng lakas ng loob na mag-doorbell sa gate ng mga ito. Aayusin niya ang sarili kay Jeric. Pati na rin sa Mommy nito.
Nakakasampung doorbell na siya nang lumapit sa kaniya ang Nanay niya.
"Sino'ng dini-doorbell-an mo diyan?"
"Kakausapin ko lang po si Jeric."
"Jeric...?'
"Sino'ng Jeric ang hinahanap mo diyan? Hindi ba nagpaalam sa 'yo? Nagpunta na kaya sila kagabi sa Amerika."
"H-Ho?" Nanginig ang boses niya. Una, nanginig ang mga luha sa mga mata niya.
Hindi niya akalaing gan'ong kabilis ang pagbagsak ng luha niya.
"Naiiyak ka? Babalik pa naman 'yon."
Paano kung hindi na?

No comments:

Post a Comment