Sunday, January 30, 2011

MY EX-BEST FRIEND(Chapter 2)

Chapter Two

APRIL 13,1998.
"Wala ka bang balak na magpaligaw?" tanong sa kaniya ni Jeric. Nasa ibabaw sila ng isang malaking bato sa tabi ng talon. Gusto ng barangay nila na buksan sa publiko ang talon na iyon pero dahil nasa pusod iyon ng pag-aaring lupain ng nanay niya, nasa nanay niya ang desisyon. Ayaw din naman ng nanay
niya. Mga kabarangay lang nila ang nakikinabang doon.  Pangarap nila ni Jeric na i-develop ang lugar
na iyon paglaki nila. Isang pobreng labahan lang ang tingin doon ng mga ka-barangay nila samantalang may potensiyal iyong maging tourist spot.
Pero sino ba'ng banyaga ang magkakainteres doon kung ang mga isda doon ay plastic ng Tide? Ang tubig na malapit sa talon, malinis. Pero sa may bukal kung saan ay may kawayang nagsisilbing gripo, marumi. Labahan iyon. Pugad din ng tsismis.Buti na lang at 'day-off' ng mga tsismosa n'ung araw na 'yon kaya
sila lang ang naandoon.
Tinawanan niya lang ang tanong nito. "Nasabi ko na sa 'yo 'di ba? Una, bata pa ako. Pangalawa, sabi ni Nanay, sa panahon ngayon, mahirap nang makakita ng matinong lalake. Takot din akong makakita ng Mr. Wrong tulad ni Tatay."
"Well..." Nagkibitbalikat ito. May sosyal sa kung paano ito magkibit-balikat. Parang lalo itong gumaguwapo kapag ginagawa iyon. O dahil lang alam niyang galing ito sa marangyang pamilya? May bangko ang mga ito, may subdivision ding pag-aari ang mga ito. Pag-aari din ng mga ito
ang sikat at glamorosong sementeryo sa barangay nila.
Nanatili lang itong nakatingin sa palutang-lutang na buko sa tubig. Buko nga ba iyon? Buko, kaso ay bulok na.
Minsan, nagtataka din siya kung bakit ito sumasama sa kaniya. Hindi naman sila nabibilang sa nakakaangat sa buhay--tulad ng pamilya nito. Kung kagaya pa dati ang kabuhayan nila, hindi siya magtataka. Sabi kasi ng Nanay niya, mayaman talaga ang angkan nito. Kung hindi lang sa mga kalamidad at sa sugarol niyang tatay na nagsangla ng kanilang
mga ari-arian ay maayos sana ang kabuhayan nila. Ang ipon ng pamilya nila sa bangko ay naipambayad sa mga atraso ng tatay niya. Iyon din daw ang pinagtapusan ng mala-fairytale na love story ng mga magulang niya. Kaya din galit na galit sa tatay niya ang mga kamag-anakan niya sa mother's side niya. Sabi ng Nanay niya ay malapit na daw matapos
ang kanilang kalbaryo dahil malapit nang mabenta ang kanilang lupa. Pero ilang taon na ba iyong sinabi ng Nanay niya? Hanggang ngayon naman, kapag may aning gulay sa likod-bahay nila, o kaya ay may lutong candy ang Nanay niya ay nilalako niya iyon. Poor pa rin sila. Minsan, nahihiya na siya. Kung hindi nga lang siya
sinasamahan ni Jeric ay baka tinakwil na niya ang pagtitinda.Tinutukso na rin kasi siya sa school na Ms. Patola, minsan, Ms. Kalabasa. Kung anu-ano. Minsan, Ms. Yema. Kahit papano ay matamis iyong pakiggan.Pero napapaaway na siya minsan lalo pa't para bang isang krimen ang maglako ng mga gulay at candy! Buti na lang at lagi siyang ipinagtatanggol ni Jeric.
"Natanong mo...? Ikaw ba?"
"Iisa lang naman ang gusto kong ligawan." Matinding kaba ang naramdaman niya. Twelve years old na siya pero maa-appreciate niya kung sa gan'ong edad nito gustuhing simulan nila ang kanilang relasyon. Marami siyang napapanood sa TV na bata pa lang ay nangangako na sa isa't isa na magmamahalan.
Kahit pa sabihing man-hater siya ay ito ang exception sa kaniyang rule. Dito niya kasi nakita ang kabaligtaran ng Tatay niya. Unang-una, guwapo ito. Kamukha ni Ben Tambling ang tatay niya. Ang ilong ay kay Weweng. Buti nga at hindi niya nakuha ang mukha ng tatay niya. Kundi, baka madagdagan pa ang panlalait sa
kaniya.Pangalawa, mabait ito.Napatunayan na niyang mabait ito. Bago ito kumain ay naaalala siya nito. Maraming batang-kalye sa lugar nila ang madalas lumapit dito. Nammigay kasi ito ng kung anu-ano. Hindi rin ito nakakalimot magsimba tuwing linggo. Madasalin din itong tao. Ang tatay niya, ayon sa Nanay niya ay pangit na, pangit pa ang ugali. Mala-anghel naman daw noong nanliligaw pa. Isa pa, kapag nawawala ang tatay niya sa tabi ng nanay niya ay para na rin nawalan ang nanay niya ng ginto. Hindi dahil mahalaga ang tatay niya na parang isang ginto kundi dahil ninanakawan ng tatay niya ang nanay niya.
"Sino naman?"
Matagal bago ito nakasagot. Mahirap bang sabihin ang palayaw niya? One syllable nga lang iyon. Jhel. And in fairness, halos magkapareho ang tunog ng palayaw nila nito. Jhe naman ang palayaw nito. Kaya feeling niya ay talagang 'meant for each other' sila.
"Sige. Sasabihin ko na. Best friend naman kita. Pero secret lang muna natin 'to...?"
"Sure," aniya.
"Baka naman puwedeng humingi ng tulong."
"Help? What kind?"
"Sus! Ikaw naman masyado mo akong ini-English! Kapag kasama mo 'ko, kalimutan mo na munang Valedictorian ka."
"What kind of help?" she insisted. Ang dating ng sinabi nito sa kaniya ay isa iyong 'delaying tactic'. Na parang hindi nito talaga masabi ang gusto nitong sabihin. Well, mahirap talagang magtapat ng nararamdamang true love.
"Wait. Give me time to think," anito.
Sa totoo lang ay mahirap hulihin ang nasa isip nito. Tuloy, she would always end up speculating. Experimenting.
"Tulungan mo naman akong ligawan si Carla."
"Ano?!" Narinig niya ang boses niyang nag-echo sa lugar. Para kasi siyang nabingi sa sinabi nito.
"Sabi ko, tulungan mo 'kong ligawan si Carla."
"Aba! Eh, 'di ba sabi mong ma-appeal ka? So, kayang-kaya 'yan ng charm at appeal mo." Nakunot ang noo niya. "Heka! Eh, bakit ba ligawan na ang nasa isip mo eh, magsi-sixteen ka pa lang naman?"
` "Binata na ako at doon din naman ako pupunta. Mag-aasawa din ako. So, mabuti nang habang maaga ay makilala ko na ang mapapangasawa ko someday."
"Binata? Eh, ni hindi ka pa nga tuli eh!"
"Hindi pa tuli?"Nginitian siya nito. "Eh, kung maaalala ko nga eh, muntik na 'tong mangamatis dahil sa paninilip mo." Nagbibiro lang ito. Pero papatulan niya ito mawala lang sa isip nito ang plano nitong ligawan si Carla. Hindi dapat iyong mangyari. Dapat muna nitong mapansin ang kaniyang kagandahang nakatago sa morena niyang balat.
"Supot!" Hindi siya marunong maglangoy kaya hindi siya tumalon sa tubig sa halip ay tinulak niya ito doon. Ang batong kinaroroonan niya ay nakadikit sa lupang paakyat sa taniman nila ng palay. Doon sila kumukuha ng bigas nila.After years ay natututunan na rin ng nanay niyang kalimutan ang nangyari sa kuya niya kaya paminsan-minsan nagtatanim na ulit ito. Sila, katuwang si Jeric, ang nagtatanim ng palay. Hindi din naman kasi kalakihang lupain ang tinataniman nila ng palay.
"Supot? Sino'ng supot?" Hinabol siya nito dahilan para mapairit siya. Dahil matarik ang lupang tinatahak niya ay nahirapan siyang umakyat. Nakita niyang palapit na sa kaniya si Jeric. Nang makaakyat sa palayan ay ilang metro na lang ang layo nito. Hindi rin nagtagal ay nahuli siya nito, yapus-yapos. Dahil sa kakaibang naramdaman niyang iyon ay na-out of balance siya. Bakit gan'on? Hindi naman iyon ang unang beses na niyapos siya nito. Bakit parang may malisya na iyon sa kaniya? Pagtuntong niya sa lupa ay wala nang lupa iyon, sa halip ay ere na. Meaning, babagsak sila sa putikan kung saan nakatanim ang mumunti pang mga palay. Nagtulungan sila para makabalanse. But they ended up in the muddy ricefield.
Tawanan sila pagbagsak.
"Sino'ng supot?"Hawak-hawak nito ang kaniyang mga kamay. Nakalapit sa mukha niya ang mukha nito. "Hahalikan kita?" biro nito.
Tinanggal nito ang hawak sa kaniya dahil may kumagat na insekto sa likuran nito. Sinamantala niya iyon.
"Ikaw! Supot!"
"Sino'ng...?"
Nagtatakbo siya pataas sa lupa dahil kapag nakita sila doon ng Nanay niya ay siguradong maga ang pang-upo niya. Mahahambalos siya ng nanay niya.
Bago pa makataas mula sa putikan ay nahila na siya nito. No'ng una ay hindi naman sapat ang lakas nito para matumba siya. Naputol lang sa ilalim ng putik ang de-sipit niyang tsinelas dahilan para ma-out of balance siya. Napayapos siya dito. Nahulog.
Maging ito ay nahulog din dahil naitulak niya ito. Nanlaki ang mga mata niya nang makitang nakahalik siya sa labi nito. Actually, kalahati o one-fourth lang iyon. Dahil daplis lang iyon. Pero masasabi niyang kiss pa rin iyon. At nakakakilig isiping ang best friend niya--kung kanino unti-unti na niyang nararamdaman ang infatuation-- ang kaniyang first kiss!
"Oh no! What a first kiss. Never mind. Anyway,we didn't mean to do it." Lumitaw tuloy ang galing nito sa English, taliwas sa sinasabi nitong hindi ito magaling sa naturang wika.
Tumayo siya. Ito rin naman ay tumayo din.
Never mind? HIndi na yata niya iyon makakalimutan.

"ALE, MAMA, bili na po kayo nitong suman. Masarap po 'to. Gawa 'to ng Nanay niyang expert sa pagluluto."
Tulad ng mag-asawang kinakausap nito, maging siya ay napangiti sa sinabi ni Jeric.
Hulog ng langit ata ang best friend niya. Kapag nagtatanim, katuwang nila ito, kapag nagluluto ng mga niluluto nila ay tumutulong din ito. Pati na rin sa pagtitinda.Minsan na itong nakita ng Mommy nito pero hindi naman niyon pinagbawalan ang anak. Makakatulong daw iyon sa paghubog sa pagkatao nito.
Magiliw sa tao ang best friend niya kaya hindi kataka-takang pansinin ng mag-asawa ang kanilang paninda. Kapag kasama niya ito, triple ang kita, triple din ang benta nila. Mayayaman kasi ang mga kakilala nito.
"Pabili ng twenty piraso."
"Twenty po?" ani Jeric sa kaniya. Pero hindi niya yata iyon narinig. Saglit kasi siyang napatingin dito hindi dahil sa dami ng binibili ng mag-asawa kundi dahil sa pagkamangha sa pagkatao nito. .
Siniko siya nito dahil hanggang sa mga sandaling iyon ay nakatulala siya dito. "Twenty daw."
"Ay, suman!" Nagmamadali siyang kumuha ng suman sa lalagyang originally, lagayan ng ice candy. Yari iyon sa styrofoam.
"Ipamimigay namin diyan sa mga bata sa church. Kami ang pastor at pastora sa church diyan sa kanto." Itinuro nito ang simbahan sa kanto.
"Ah, kayo po ba? Salamat po sa pagbili."
"Dalaw kayo minsan sa 'min."
"Ay naku! May bumbero po ba diyan sa simbahan n'yo? Baka po kasi masunog lang kami," aniya.
"Palabiro ka pala," anito. "Sige ha... Salamat. Bisita kayo minsan, ha?" Umalis na ang mag-asawa.
"Salamat po sa pagbili," aniya sabay kaway sa mga ito na animo Ms. Universe runner up. "Haynaku, salamat sa benta!" Napaantanda siya.
Saglit na katahimikan.
Nagpatuloy sila sa paglalakad.
"Jhel..." animo sa mahinang tinig kapagdaka.
"Uh?"
"Daan tayo kina Carla."
"Bakit? Ubos na 'tong paninda natin ah?"
"Ano ka ba? 'Di ba liligawan ko nga 'yung isa."
"Aba Jerikordopyo!" Pinamaywangan niya ito. "Sa halip na unahin mo 'yang panliligaw mo eh, unahin mo muna ang pag-aaral mo. Mababa daw ang mga grades mo sabi ni Mommy--mo."
"Para namang ayaw mo lang akong tulungan eh! Oo. Mag-aaral ako. Pero gusto ko munang magkaroon ng inspirasyon."
"Gusto kitang tulungan, bakit hindi? Eh, 'di ba dapat ay unahin mo muna ang pag-aaral mo?"
"Eh, wala kasi akong inspirasyon eh... Gusto ko rin siyempreng ma-inspire! Para naman mas ganahan pa akong mag-aral."
"Haynaku! Bahala ka nga!"
Habang naglalakad ay hindi sila nito nag-iimikan. Aaminin niyang nagseselos siya. Bakit gan'on? Hindi ba siya nito napapansin? Bakit siya napapansin niya ang kaguwapuhan nito, ang kabaitan at ang ilan pang positibo nitong mga katangian. Samantalang ito ay sa kung saan-saan nakatingin.
"What about this idea...?"
Nilingon lang niya ito.
"I have this good idea." Sagit itong tumigil."'Di ba may liga ng basketball sa susunod na buwan d'on sa Looban?"
"Uh?"
"'Alam mo 'yung sikat na grupo sa kanto? 'Yung grupo nina Michael." Kapatid ni Carla si Michael. "Gusto ko silang makakilala, makabarkada, maka-team. Kapag malapit na ako kay Michael, madali na akong makakalapit sa kapatid niya. 'Di ba?"
Bahagya siyang tumango. Deep inside parang dapat niyang pag-isipang maigi ang pinagsasasabi nito. Parang seryso na ito.

ILANG gabi na siyang hindi makatulog. Iniisip niya si Jeric. Napaluha siya sa naisip.
Kaya ba ito nagbabanggit ng kung sinu-sinong mga pangalan ay dahil nabo-bored na ito sa kaniya? Bored na ito sa pagkakaibigan nila? Bukod sa naghahanap ito ng girlfriend, gusto na rin nito ng bagong mga kabarkada. Gusto niyang maiyak. Bakit? Ano ba ang kulang sa kaniya?
Paano na lang kung maging kabarkada nga nito ang barkadahan nina Michael? Paano na lang kung maging girlfriend nga nito si Carla? Ano pa ang magiging silbi niya sa buhay nito? Hindi naman niya yata kayang sumama sa barkadan ng mga lalaki. Lalo pa't
barkadahan iyon ng mga mayayaman. Tiyak, maa-out of place siya sa mga ito. Kapag may girlfriend na ito, hindi ba magagalit ito kung na lagi siya ditong bubuntot?
Nakatulog siya kagagawa ng plano. Kung palpak man ang planong naisip niya para hindi mangyari ang may posibilidad na pagkawala ng best friend niya sa tabi niya, mas mainam pa rin na isakatuparan niya iyon. Kaysa mapapunta ito sa iba.
Pero parang imposible ang naisip  niyang plano.
Ang plano niya ay kakaibiganin niya ang grupo nina Michael. Gagawa siya ng paraan para maitaboy si Jeric sa grupo. Wait. Paano niya magiging kabarkada ang mga iyon? Ano ang first step niya?
Kinabukasan, hindi niya akalaing tutugun ang Diyos sa panalangin niya dahil nakasalubong niya ang pinsan niya. Ito daw ang organizer ng liga ng basketball sa 'Looban'. Naalala niya ang problema niya kay Jeric kaya nagprisinta siyang maghahanap ng team na sasali.
Tulad ng inaasahan niya ay nawirduhan muna ang pinsan niya sa kaniya. Sinabi na lang niyang gusto lang niyang makatulong at ma-develop ang kaniyang pakikitungo sa ibang tao.
Dahil may pinuntahan sina Jeric ay mag-isa niyang inilako ang paninda nilang sitaw.
Mabait yata sa kaniya ang tadhana dahil umaayon sa plano niya ang mga pangyayari. Nakita niyang nakakumpol sina Michael sa tapat ng isang tindahan sa kanto. May kasama pa itong tatlong nagguguwapuhan ding mga lalaki.
Noong una ay lumampas siya sa mga ito dahil nahihiya siya. May bitbit pa siyang mga sitaw. Feeling pa niya ay amoy-araw na siya. Pero naisip niyang iyon na ang pagkakataong hinintay niya. Na makagawa ng paraan para hindi maging kabarkada ng mga ito si Jeric. So, pikit-mata niyang sinabing, "Excuse me," sa mga ito.
"Hm?" Sa apat na mga nagguguwapuhang ito ay ang pinakapangit ang lumapit sa kaniya. Tila may pagkasuplado ang ilan mokong. Ang isa sa mga ito ay tila sinusukat pa ang kaniyang pagkatao. "Bakit?"
"U-Uhm... Itatanong ko lang sana kung gusto n'yong sumali sa liga diyan sa 'Looban'. Naghahanap pa kasi sila ng mga team na gustong sumali."
"Ay, oo!" Mula sa kung saan ay lumitaw ang isang tsonggo, este, tao! Sa taas ng puno ng sampalok sa tabi ng tindahan pala ito galing. "Gusto naming sumali diyan sa ligang 'yan. Ano ba'ng pangalan mo Miss?"
"Ah, Jhel," aniya.
"Jhel! Maganda ang pangalan mo! Bagay tayo! I'm Joseph," anito.
Kahit parang weird ay pinatulan na niya itong kamayan. Baka ito pa ang maging tulay para makabarkada niya ang grupo.
Iwinaksi niya ang kamay ni Joseph. Para hindi obvious ay agad niyang kinuha ang application form sa basket.
"Ay, ito pala 'yung application form. Paki-fill out." This time ay iniabot niya iyon kay Michael. Crush niya ito. Tiningnan niya ito na iisipin nitong may crush siya dito. Which was true. May crush siya dito dahil masasabi niyang ito ang pinakaguwapo sa barangay nila. But it didn't mean that
he's better than Jeric. Kung hindi lang gusto niyang i-save ang pagkakaibigan nila ay hindi naman niya parurusahan ang sariling makipagkaibigan sa all-boy group.

No comments:

Post a Comment