Monday, January 31, 2011

HILING NG SAWI SA ORASANG TANGI(Chapter 5)

Chapter Five

NAGLALAKAD si Delilah nang makita si Anthony. May kasama itong babae. Magandang babae. Bakit pa kasi siya nagpunta sa Mall of Asia na iyon na wala naman siyang pakay kundi magpagod lang ng paa?
Sino ang hindi magseselos sa pagkakapulupot ng kamay nito sa babae?
Bigla siyang nanliit sa sarili. Parang gusto niyang sabunutan, kaladkarin ang buhok ng babae. Pero naisip niyang wala naman silang relasyon nito. Iyon lang ang naramdaman niya.
Naisip niyang paano kaya kung bigla na lang itong magpakasal?
Magiging luhaan na naman siya?
No!
Naisip niyang dapat ay makuha niya ito. By hook or by crook.
Naisip niyang sundan ang mga ito. Para mapatunayan niyang may relasyon ang mga ito. Kung wala, wala siyang dapat ikabahala. Kung meron, ipagluluksa niya kung iwan siya nito para lang sa babaeng ito?
Kung ikukumpara sa babae, magmumukha siyang katulong nito kapag itinabi siya dito. Elegante ang suot nito.
Add description.
Nang mapansin niyang katawan lang ang habol ng mga lalaki sa kaniya, nag-iba siya ng fashion. Ginawa niyang simple na lang hindi kagaya dati na kulay na lang ay mapang-akit ang damit niya. Gan'on siyang manamit dahil sa impluwensiya ng barkada.
Wala ang nanay niya kaya wala sa kaniyang nagsabi ng tamang pananamit. Ang lola naman niya ay sumakabilang buhay noong panahong nagdadalaga siya. Ang kumupkop sa kaniyang tiyahin  ay walang pakialam sa kaniya palibhasa sugal lang ang inaatupag. Ang circle of friends ng tiyahin niya ay susyalera kaya wala siyang narinig na pagtutol sa pananamit niya noon. Pareho lang daw naman kasi ang damit niya ng anak ng mga kaibigan nito.
Pero ngayon, sinakluban yata siya ng espiritu ni Mother Theresa dahil sa kasimplehan.
Puting blouse at simpleng jeans lang ang suot niya. Dahil alam niyang nakakapagod maggala sa MOA ay sneakers na puti lang din ang isinuot niya sa paa.
Nakita niyang pumasok ang mga ito sa isang restaurant. Sa katapat na restaurant siya pumasok. Kumuha siya ng brochure na kinasusulatan ng menu at exciting promos ng restaurant para siyang maipantabing niya sa mukha niya.
Sa bandang dulo ng restaurant siya pumuwesto samantalang sa nasa gitna naman ang mga ito, katabi pa ng salamin. SO, kitang-kita niya ang mga ito. Sana, mas mapansin ng mga ito ang estatwa ng restaurant sa labas. Kaysa sa kaniya.
Base sa ngiti ng mga ito, masasabi niyang may relasyon ang dalawa. Ang ngiti ng mga ito sa isa't isa ay animo sa nag-honeymoon.
Nakakahiya namang naandoon siya at wala siyang gagawin. Um-order siya ng frenchfries.
Kumain siya nang marami bago umalis sa bahay para hindi masyadong gumastos. At kuripot siya.
Matinding selos ang naramdaman niya nang makitang subuan pa nito ang babae ng spaghetti. Ang sumunod ay ang babae naman ang nagsubo dito ng burger. Nagkakatuwaan pa ang mga ito sa bawat sandaling nakaramdam ng kilig para sa isa't isa.
Gusto niya tuloy maupo sa gitna ng mga ito at harangin ang subuan ng mga ito.

NAPAGOD na si Delilah kasusunod sa dalawa lalo pa't pumasok ang mga ito sa sinehan. Hindi siya gagastos ng malaking halaga para lang sundan ang mga ito. Sapat na para sa kaniyang ma-realize ang sinabi ng kaniyang kaibigan.
Na kung sila ang para sa isa't isa ay sila nga i-abduct man ito ng alien.
In-abduct ito ng magandang alien. Tatakbo pa ba ito?
Umuwi na lang siya. Nahiga sa kama.
Noong isang araw, habag nag-aayos siya sa library ng mga libro ay nakahalukay siya ng lumang orasan kasama ng mga kung anu-anong nakalagay sa isang kahon. Parang ginamit ang mga iyon sa isang drama presentation kahit may nakasulat sa labas ng kahon na: props.
Mukhang hindi na naman iyon kailangan dahil tila nagamit na ang mga iyon. Isa pa, naalala niyang inihabilin ni Sister Pupe sa isang student aid na itapon na ang mga iyon.
So, iniuwi niya ang orasan. Naalala niya kasi ang mahiwagang orasan ng kaniyang Lola.
Siguro, kaya hindi natupad ang kaniyang kahilingan ay dahil iyon kay Ramon. Kung hindi  nito sinagasaan ang naturang relo ay baka natupad ang kaniyang hiling.
Natatandaan niyang bago pa nito masagasaan iyon ay naalala niya ang paalaala ng kaniyang lola. Na huwag iyong iwawala dahil baka tumanda siyang dalaga.
Noon lang nag-sink in sa kaniya ang kahalagahan ng orasang iyon. Ika nga, kapag lang daw nawala ang isang bagay ay saka lang naaalala ng tao ang kahalagahan ng isang bagay.
Well, hindi na naman niya maibabalik ang orasan dahil durog na iyon. Isa pa, nahiya siyang pabayaran sa lalaki ang naturang damage sa buhay niya.
Feeling niya, magmumukha lang siyang tanga kung sisingilin niya ito.
Kinuha niya ang orasan.
"Sabi ni Lola, may hiwaga daw ang mga orasan..." aniya sa relong iyon. "Dahil daw kayo ang nagpapatakbo ng buhay ng tao. Ibig sabihin, kayo ang may hawak ng buhay ng bawat tao."
Bumuntong-hininga siya.
"Puwede mo bang ipaliwanag kung bakit wala akong suwerte sa pag-ibig?"
Nanatili lang siyang nakatingin sa orasan. Naramdaman niyang gumalaw ang puso niya na tila naghihinagpis. Sinakluban siya ng kalungkutan.
"Wala naman akong ginagawang kasalanan para hindi maging masaya. Nakiapid ba ako? Nanloko ba ako ng kapuwa?" Napaiyak na siya. "Pinipilit ko ngang maging fair. I always try to be good. Dahil takot ako sa karma..."
Huwag ka nang umiyak... Sige. Mag-wish ka. I will grant it.
"Puwede bang humingi ng boyfriend?"
Your wish is my command!
Nakarinig siya ng kumakatok sa pintuan nila.
"Geronimo!" pagtawag niya sa kapatid. "Geronimo!"
Wala siyang balak lumabas. Pero nakakailang tawag na siya kapatid pero hindi pa rin ito sumasagot. Meaning, wala ito sa bahay nila. Maliit lang naman ang bahay nila para hindi siya nito marinig.
Bungalow lang ang bahay nila. Pagpasok ay sala. Walang division. Kusina. Sa gilid ang dalawang kuwarto. Hinuhulugan pa niya sa Pag-ibig ang hiniram na pera para maipaayos iyon.
Lumabas siya ng kuwarto. Binuksan niya ang pinto dahil pantog na yata ang kamay ng kumakatok.
Natigagal siya sa nakita. May hiwaga ba talaga ang mga orasan?

No comments:

Post a Comment