Sunday, January 30, 2011

HILING NG SAWI SA ORASANG TANGI(Chapter 1)

Chapter One

KATANGI-TANGI ang orasang iyon. Dahil bigay iyon kay Delilah ng kaniyang lola. Talagang natatangi dahil sa lahat ng orasan ay iyon ang nag-iisang 'regalo' na nangangalawang na, hindi pa gumagana.
                Ang lola niyang sa katandaan ay kung anu-ano na yatang hallucinations ang nasa isip ang nagsabi sa kaniyang huwag daw niya iyong itatapoon dahil mahiwaga daw iyon. Ano ang hiwaga ng isang bulok nang relo? Hiwaga bang matatawag ang tetano?
                 Magkagayun man, wala naman sigurong masama kung humiling nga siya doon.
                Dahil hindi niya iyon kayang hawakan, ipinatong na lang niya iyon sa side table niya sa kuwarto. Kagigising lang niya at walang ibang gumugulo sa kaniyang isipan kundi ang sinasabi ng lola niyang hiwaga di-umano ng relong iyon.
                In-imagine na lang niyang umiikot ang mga kamay niyon at tumitiktak-tiktak.
                "Orasang bulok, este, mahiwaga... Puwede bang mag-wish?"
                "Sige lang, mag-wish ka! Ako ang bahala sa 'yo," parang timang na sagot niya sa sariling
tanong.
                "Ahm... Puwede mo ba akong ihanap ng boyfriend?"
                "Boyfriend? Bakit? Wala ka pa bang boyfriend?" Hindi siya papasang puppeteer dahil bumubuka ang bibig niya kapag nagda-dub siya sa boses ng orasan.
                "Wala pa nga eh. Kaya nagpapahanap sa 'yo."
                "Boyfriend?" In-imagine niyang may kamay ito at inilagay nito iyon sa sintido nito? Sa isip niya ay magkahalo ang lahat ng lamang-loob nito, pati utak sa loob ng katawan nito. Nasa bandang itaas lang ang utak.
                "Oo. Boyfriend." Tiyak, kung may makakakita sa kaniya ay iisiping isa siyang baliw! Hindi siya baliw. Sawi lang sa pag-ibig.
                Twenty-five na siya pero hindi pa niya nahahanap ang kaniyang 'perfect one'. Kaya humihingi na siya ng tulong sa orasang ito na ipinagkaloob sa kaniya ng lola niya.
                "'La? Ano ba 'to? Dati ba kayong magbobote?" aniya rito nang iabot nito sa kaniya ang relong bulok. Ipinakuha pa nito iyon sa kaniya sa loob ng aparador nito. Nakabalot ba iyon sa maliit na sako. 'Yung sakong nilalagyan ng semento.
                "Mahiwaga ang orasang iyan..."
                "Lola... Mahiwaga?" Kumuha siya ng tissue sa handbag niya. Paalis na sana siya papunta sa school nang ipatawag nito. Isa siyang librarian sa isang catholic school sa Laguna.
                Gamit ang tissue ay hinawakan, itinaas niya iyon, paikut-ikot sa harapan niya. Animo nagpa-fashion model ang orasan sa harapan niya. "Ano'ng hiwaga? Kung may hiwaga 'to, bakit hindi niya magic-in ang sarili para gumanda?"
                "Naririnig ka niyan. Baka parusahan ka niyan..." Muntik nang bumagsak ang hawak niya. Kahit papaano ay natakot siya. Dahan-dahan niya iyong inilapag sa sahig.
                "Huwag mong ilapag sa sahig 'yan. Ilagay mo doon." Ang maliit na table sa tabi ng kama nito ang tinutukoy nito. Tumalima naman siya.
                "Kahit ano ang hilingin mo diyan ay ibibigay niyan sa 'yo."
                "Eh, lola..." Sino ba ang maniniwala sa kalokohang iyon.
                "Kapag hindi ka naniwala, hindi ipagkakaloob sa 'yo ng orasan ang pangarap mo."
                "Eh, 'la, kahit ano pa ang gusto n'yo, kapag ginusto n'yo--"
                "Ssshhh! Baka magtampo sa 'yo ang orasan dahil hindi ka naniniwala sa kaniya."
                This time, kahit nadidiri sa orasan ay hinawakan niya iyon. Mag-a-alcohol na lang siya mamaya bukod pa sa proper handwashing na turo ng DOH.
                "Nagalit ka ba sa 'kin noon dahil hindi ako naniwala sa 'yo?"
                Na-imagine niyang malungkot ang mukha ng orasan.
                "Kaya mo 'ko pinarusahan? Kaya mo 'ko binigyan ng sangkaterbang boyfriend na manloloko?"
                Dahil siguro sa hapding gumuhit sa puso niya kaya nawala ang fantasy sa isip niya. Isang pobre at bulok na relo lang tingin niya dito. Hindi tulad kanina na animo bida sa isang animated cartoon ang tingin niya dito.
                Wala naman sigurong kinalaman ito sa mga bagay na may kinalaman sa kaniyang mahapding kinalagyan sa pag-ibig. Naka-grandslum siya sa kasawian sa pag-ibig.
                Sa loob ng sampung taon ay ganoon karaming boyfriend ang napasakamay niya. At pawang niloko lang siya ng mga iyon.
                Siguro ay may kinalaman iyon sa image niya. Ayon sa kaibigan niya, mukha daw kasi siyang 'kaladkarin'. Mukha kasing bombshell ang katawan niya. Maamo naman ang mukha.Mukhang madaling maloko. At tumugma naman iyon sa mga nangyari sa buhay niya. Dahil madali nga siyang naloloko.
                O hindi naman kaya may kamalasang taglay ang orasang ito. Dahil simula nang dumating ito sa kanila ay namatay ang Lola niyang nagda-drugs ata dahil sa dami ng halusinasyon sa buhay. Kung hindi ba ito adik ay maiisipan nitong pamanahan siya ng bulok na orasan?
                Nahulog din sa puno ng niyog ang tatay niya sa kagustuhan mabigyan ng buko ang mga bisita nilang taga-Maynila. Ang nanay naman niya ay nasa HongKong. Ewan niya kung kailan ang balik.
                Sabi, kapag nakatapos na daw ang kapatid niyang si Jun-Jun. Isang semestre na lang a makakatapos na ang kapatid niya sa kursong Nursing.
                "Sabi ng Lola mo,huwag ka daw malungkot. Kaya heto ako para bigyan ka ng super powers!" in-imagine niya ulit na nagsasalita ang orasan.
                "Talaga?"
                "Bibigyan kita ng kapangyarihang magayuma ang kahit na sino'ng gustuhin mo!"
                Parang gusto na niyang batukan ang sarili. Dahil parang nakaramdam siya ng kakaiba sa sarili kaya itinigil na niya iyon. Ipinatong niya ulit sa side table ang orasan.
                Alam mo, baka ang uwian mo ay baliw! paalala niya sa sarili. Tandaan mong may hatid 'yang malas, wika niya sa sarili.
                Ano, hindi ka magwi-wish? boses batang tanong ng kalooban niya.
                "Okay." She sighed. "Isa lang ang wish ko sa buhay. Boyfriend na totoo. Hindi peke. Perfect boyfriend. Okay?"
                Ano ba ang perfect boyriend para sa 'yo?
                "Matangkad, guwapo, matangos ang ilong, kissable lips, maumbok na butt. Mabait, matalino, basta. Okay?"
                Hindi ka makakahanap n'on! wika ng kalooban niya na siyang nagsisilbing boses din ng bulok na orasang ito.
                "Basta. Ipakita mo sa 'king may powers ka talaga."
                Wala akong powers!
                Bumagsak ang balikat niya.
                Hindi naman kaya siya ang may problema kaya hindi siya makahanap ng boyfriend. Tulad na lang niyon. Magwi-wish na lang siya pero hindi pa siya naniniwala.

"DON'T forget to give me the list of all the stores in Region IV. You can ask DTI," ani Ramon sa kaniyang napiling Marketing Head ng kaniyang kumpaniyang Sales Raise to the Nth Power, Inc.
                Sa pamamalakad ng Daddy niya, sa Laguna lang ito nag-focus. Ngayong nasa pamamalakad na niya ito, gusto niyang maging numero uno sa Sales and Marketing ang kaniyang kumpaniya.
                Nakakatuwa man pero hindi niya pinangarap maging boss. He wanted to be a scientist. 'Yung tipong nag-iimbento. Pero imposible naman kasi ang mga bagay na naiisip niya. Akala niya noon ay posible. Pinaniwala siya ng mga napapanood niya sa TV. Na kesyo wala daw imposible.
                May limitasyon pala ang paniniwalang iyon. Hindi lahat ng bagay ay kayang imbentuhen.
                Akala niya ay nasa kaniya na ang susi para maimbento ang time machine. Naisip niyang posible iyon. Hindi pala. Dahil paano ka makakabalik sa isang lugar na wala na?
                Magtu-twenty-nine na siya nang magising ang isip niya sa katotohanang hindi na puwedeng maimbento ang kaniyang I'm There Calling. Base sa naiisip niya, gagawa siya ng telecommunication system na ang kausap ay parang nasa tabi mo lang. Na kayang hawakan kahit pa magkalayo ang dalawang nagtatawagan.
                Nakuha niya ang ideya habang pinapanood ang fax machine. Paano nakakarating sa patutunguhan  niyon ang parehong kopya ng papel?
                Anyway, sales and marketing lang ang kumpaniyang pag-aari ng pamilya nila. Kung tiyuhin niya siguro si Bill Gates ay puwedeng suportahan niyon ang kaniyang naiisip.
                "Sure Sir. Yakang-yaka."
                "That's the spirit, bro."
                "Alis na ako Sir?"
                "Yup. Bring home the bacon."
                Sumaludo ito sa kaniya.
                Iyon ang second day niya sa kumpaniya. Pero hindi pa yata siya makakapag-focus dahil kailangan niya pang um-attend sa school ng kaniyang kapatid. Ang mommy at daddy niya ay nasa America para doon mag-relax.
                Hindi siya dapat um-absent. Hindi din daw papayagang mag-proxy lang siya. Marami na daw kalokohan ang kapatid niyang third year high school. Ang huli nga ay binasag daw nito ang salamin ng bintana ng classroom ng mga ito.
                Mamayang hapon pa naman iyon.

"DOON ka nga at nagwawalis ako!" taboy niya kay Anthony. Nasa Library ito dahil doon ito pinadala ng principal.
                Nakipagsuntukan na naman ito.
                Noong una ay mabait siya rito. Pero sa bawat araw na papupuntahin ito ng library dahil sa mga kalokohang ginagawa nito sa school ay siya ang naha-high blood
                Bastos ito. Iyon ang masasabi niya. Wala itong values.
                N'ong isang beses na napatuwad siya dahil nahulog ang ballpen niya, hinanap niya iyon. Hindi naman niya akalaing naandoon ito sa library dahil oras ng klase. Sinipulan siya nito na animo isang manyak.
                "IKaw, alam mo, 'kala mo kung sino ka!"
                "Ano'ng sabi mo?" Pinamaywangan pa niya ang batang ito na kaya lang naman binubuklat ang encyclepedia ay para makakita ng pictures. May pagkamalaswa siguro ang isip nito dahil hinanap talaga nito ang enclopedia na may makikita itong larawan ng mga naka-hubo't hubad. Katunayan, nasa pahina na tungkol sa reproductive system ang tinitignan nito.
                "Sabi ko, ang sungit mo. 'Kala mo ka kung sino. Kaya wala sa 'yong nanliligaw eh..."
                Aba't presko ang hinayupak na ito. Nakita na niya minsan ang kapatid nito. Guwapo iyon.
                Pero kung ganito ang kapatid niyon, malamang ay hindi magkalayo ang ugali ng mga ito. Kung minsan at mapagbigyan siya ng pagkakataong makaharap ang lalaking iyon, ibubuhol niya ito sa kapatid nito.
                Karamihan sa ganito ang ugali ay walang pakialam ang mga magulang. But the mere fact that he's with his brother, kayang-kaya itong patinuin niyon. Napansin pa niya noong malaki ang katawan ng kapatid nito. Hunk, iyon ang masasabi niya sa lalaking iyon.
                Nagka-crush pa nga siya sa lalaking iyon kung maaalala niya.
                Kamukha ang lalaking iyon ni Ton-Ton Guttierez.
                "Aba't wala ka ring modo 'no?" Hindi education ang natapos niya. Library Management. Kayang kaya ng powers niyang suntukin ito sa ngalan ng pakikipagtanggol sa karapatang pambabae. "Sino ba'ng pinagmamalaki mo?
                Buti at oras ng klase. Kapag ganoong oras ay walang mga bata sa library. Kung merong bata doon ay hindi niya ito kakausapin dahil alam niyang makakaabala lang siya sa mga bata.
                At saka personally, gusto niyang maging involved sa pagtuturo dito ng kagandahang asal.
                Ayaw man niya ditong makipag-usap pero sa bawat sandaling nakikita niya ang ngiti nitong animo sa manyak ay gusto niyang ukitin ang mata nito.
                Ano ba ang values nito? Wala siguro.
                "Ikaw, wala kang dodo," mahinang sabi nito. Naalala niyang flat ang kaniyang boobs.
                "Bastos ka talaga 'no?"
                "Ay!" Tumawa ito. "Narinig mo?"
                "I heard, darating ang Kuya mo. Patay siya sa 'kin dahil pangangaralan ko siya! Paano nangyaring naging ganiyan ka kabastos!"
                "Ewan ko lang kung kaya mo siyang pangaralan. Basta nga magka-crush ka lang sa kuya ko. Guwapo 'yon. Ano, gusto mo? Ilapit kita sa kuya ko? Para naman magka-lovelife ka. Bali-balita kasi dito sa school eh, marami na daw nam-break sa 'yong lalaki."
                Naku! Kung wala lang sila sa school ay nasuntok na niya ito ng isa.
                "Sige. Mamaya, isa ako sa haharap sa Kuya mo. Sasabihin ko sa principal na i-suspend ka na. Or kick you out, that's better."
                "Let's see. May crush kaya sa 'kin si Sister Pupe." Ang principal ang tinutukoy nito.
                "Naku! Doon ka nga!" Itinulak niya ito papunta sa audio-visual room na ang daanan ay ang loob din ng library.
                Isinara pa niya ang pinto.
                Nakakakulo ng dugo ang lalaking ito!
                               
"MA'M, pinapatawag po kayo ni Sister Pupe," wika sa kaniya ng isang library assistant niya. Bandang alas-dos noon.
                "Sige. Pakisabi, papunta na ako."
                Naisip niyang siguro ay ang Kuya na ni Anthony ang dahilan kung bakit siya ipinatawag ng principal. Naandoon na ang lalaki.
                Palabas na sana siya ng library nang maalalang mag-make up. Naalala niyang guwapo nga pala ang Kuya nito. Nakakahiya naman kung mukha siyang haggard.
                Mabilis siyang nag-make up. Bahagya lang siyang mag-make up. Tipong parang natural lang.
                Pagdating sa principal's office ay nagtaka siya kung bakit nakaramdam siya ng matinding kaba nang makita ang Kuya ni Anthony. Mukhang galing pa ito sa opisina. Naka-long sleeved polo pa ito. Naka-tuck in iyon sa slucks. Makintab ang sapatos nito.
                Mas guwapo pa pala ito sa malapitan.
                "'Yan Kuya 'yung sabi kong librarian na may crush sa 'yo." Humagikhik si Anthony.
                "Shut up!" anang kuya nito.
                "Miss Pulgencia, please sit down," anang principal sa kaniya. Si Antony ay tumayo para makaupo siya sa upuang katapat ng Kuya ni Anthony. Silang dalawa ay nakaharap naman sa principal.
                "He's Anthony's brother. Sabi ko sa kaniya, bago niya marinig ang mga problema ng kapatid niya mula sa mga guro, gusto ko munang marinig niya 'yung inireklamo mo sa 'kin kaninang umaga."
                That time ay naging seryoso ang mukha ni Anthony.
                "Sir... I'm the school librarian. Kapag pinapalabas siya ng mga teachers, sa library siya pinapadala ng principal. At hindi ko gusto ang ugali niya kahit sa library."
                "Ano ba ang ginagawa niya sa library?"
                "He's trying to look for pictures na nude."
                "May nude photos kayo sa library?"
                "No Sir. What I mean is 'yung sa encyclopedia. At hindi maiiwasan, sa ibang magazines. At books. Saulado niya 'yung page at 'yun lang ang tinitingnan niya."
                Tiningnan nito si Anthony, matalim.
                "Tell him about Anthony. And what's he's doing to you."
                Parang ayaw niyang magsumbong. Pero kung hindi siya magsusumbong ay hindi nito malalaman ang ugali ng kapatid sa school.
                "One time, nahulog 'yung pen ko..." Parang ayaw na niyang ikuwento ang tungkol doon. Pero nagpatuloy pa rin siya. "Siyempre, hinanap ko dahil nawala. And I didn't know he was there. Nagulat na lang ako nang sipulan niya ako habang nakatingin sa 'king... Nagulat talaga ako."
                "Only that?"
                "He has weird action na nakakatakot. One time, he was eating lollipop in the library. So siyempre, sinaway ko siya. Imbis na siya ang matakot,ako ang natakot. While he was licking the lollipop, nakatingin siya sa 'kin na parang..."
                Naiintindihan na siguro nito ang sinasabi niya kaya hindi na niya pinagpatuloy.
                "Pasensiya na kayo Miss. Patay sa 'kin 'yan pag-uwi ko."
                "Are there other concerns, Miss Pulgencio?" tanong sa kaniya ng principal.
                Naalala niyang maraming beses na nagpupunta sa library ang lalaki. Minsan ay nahuhuli niya itong nakatingin lang sa kaniya.
                "Wala na po." Nababastos lang siya sa ikinukuwento niya sa lalaki. Sapat nang sabihin
niya dito ang pinakamalmang encounter niya sa bata.
                "Sige Miss Pulgencio. Pakiutusan naman si Mang Ruben na tawagin si Mrs. Gonzales." Ang adviser ni Anthony ang tinutukoy ng principal.    

1 comment: